TULOY PO KAYO sa aking munting kastilyo.... WELCOME TO KASTILYONG LAPIS ....

Feb 21, 2011

Unang 10-Miler Run ng 2011

"Run by feel" - eto yung tema ng mga takbo ko ngayong taon.
Kung dati rati, lagi kong pinaiiral ang kagustuhan kong umarangkada at pilitin ang katawan kong rumatsada sa daan..
 
Ngayon, mas nakikiramdam na ko sa kagustuhan ng aking katawan.

Nde na masyado sa Mind over Body na control sa bilis ng aking pananakbo. Mas safe para sa aking katawan na sundin ko lang kung anu yung kaya nya sa ngayon.

Nagsisimula akong tumakbo na may kabagalan. Nasa anim o pitong minuto kada kilometro. Nagpapainit ng katawan. Umaasang magugustuhan nito ang pakiramdam ng pagtakbo, at kung walang mararanasang pananakit, saka lamang ako tatakbo ng may kaunting pagbilis.

Mahirap ang ganitong adjustment. Prone sa pagka-bore, lalu na at nakasanayan ko dati na kumaripas hanggang kaya ng aking baga. Pilit ko na lang na Inaaliw ang aking sarili sa mga tanawin. Sa mga tanim na mga halaman, puno at mga bulaklak sa tabing kalsada. Sa mga kambing, baka at kalabaw. Sa mga motorsiklo at mga bisikletang umaakyat din ng Tagaytay.

Kumakanta rin ako ng papuri at pasasalamat sa Diyos.
Nagpapasalamat na malakas pa den ako at nakakatakbo.

Pag-akyat ko ng uphill sa Pasipit papuntang Silang proper, naninigas at may pangingirot akong naramdaman sa gilid ng aking binti. Mahirap umakyat. Ramdam ko ang pagod. At nde rin ako makatakbo ng mas mabilis sanhi ng sakit sa aking binti.

Sa ikaapat hanggang ikaanim na kilometro, sinubukan ko na lang ang run-walk combination.
Nagpapahinga. Umaasang mawawala yung sakit ng binti.

Just running by feel.

Bukod sa 28 na ako, matagal na den akong hindi nakakatakbo ng malayo. Kaya hinay-hinay lang sa pagtakbo at maingat sa pagtaas ng dami ng kilometrong aking tinatakbo sa bawat linggo.

Sa sumunod na mahigit pitong kilometro ng 16-kilometer long ditance Sunday run, kinaya ko ng bilisan at tumakbo ng tuloy-tuloy. Naramdaman ko na yung pawis, yung gaan ng katawan ko at yung kagustuhan ng aking isipan at katawan na tumakbo sa daan.

Nakuha ko pang makipaglaro sa isang batang lalaki na lumaban ng karera sa takbuhan. Sa loob ng 50 metro, para akong batang nakikipag-sprint laban sa kanya. Pero syempre, nakangiti lang ako at umaarte lang na buong pwersa akong nag-sprint. Hinayaan ko lang na maramadaman nya yung pagod at kusa syang tumigil sa pagtakbo.

Halos abutin ako ng dalawang oras (1:54 hours) sa pagtakbo ng 16 na kilometro. Mabagal na mabagal pa kung tutuusin. Pero gaya ng isang bata, nakangiti akong huminto sa pituan ng aming bahay na hingal na hingal.
 
Pagod na pagod, pero nananatiling masaya at may kagalakan.

No comments:

Post a Comment