TULOY PO KAYO sa aking munting kastilyo.... WELCOME TO KASTILYONG LAPIS ....

Mar 25, 2011

Ang Pamanhikan Ni Pandesal

Umagang Umaga pa Lang

Nag-alarm ako ng 4am. Tatakbo sana ko ng 21Km para masunod ko yung mga running goals ko this March. Pero nde naman den ako tumakbo. Kulang kasi sa tulog at saka masyadong excited.

Nagising ako, sa pangalawang alarm na. 5:45 am. Pagbangon ko, gising na den ang mga tao sa ground floor. Nagkakape na si Kuya Ramon, yung magkakatay ng baboy. Pinagising na den saken si papa para kunin na yung baboy sa piggery. Kasama na den nila si Athan, kapatid ko, na nagtali ng baboy sa tricycle.

Nagbabalat na den ng bawang sila Ate Minda at Ate Bene sa bahay. Si Ate Bene yung naging available na cook ni mama, kasi busy sila Ate Pele sa binyagan. Ganun din si Kuya Tommy, pagod na den sa pagkatay at pagluto ng baboy dahil nagkaroon sila ng patay sa pamilya.

Pati si Justine, ang isang taong gulang kong pamangkin, gising na. Nilalaro yung kape at tinapay nya. Dadaan pa daw ulit ng palengke sila mama, kasi may mga nalimutang bilhin na rekado, pang-menudo yata. Iniintay ko naman yung mga taga-Pulong Bunga na tutulong sa pagkatay at pagluluto. Malungkot pa nga ako nung pasado na alas-sais at ihahatid na namin yung baboy kela Nerissa, eh nde pa rin dumarating kahit isa sa kanila.

Nagmano ako kay tatay, pati kay nanay pagdating ko sa bahay nila. Hinanap ko na den agad si Nerissa para batiin ng Happy Birthday. Tapos bumalik na kami ulit para sa natitirang kahoy na panggatong sa lulutuing baboy, at para na den sunduin yung mga magkakatay.

Pagbalik namin, wala ng kahoy. Hinakot na daw nung owner-type jeep nung mga taga-Pulong Bunga. Hehe. Masaya na ko, nde den nila ko natiis. Dumating den sila para makitulong. Mas marami na kami ngayon.

Ilan kami nagtulong0tulong simula pa ng umaga? Syempre kumpleto buong pamilya, pati nga si tutuy o Justine kasama. Pito na yun. Si Tatay Edgar, si Kuya Sayong at si Kuya ___, nakalimutan ko, mga taga-Pulong Bunga.  Sumunod den si Tatay Pedie at si Patrick. Yung kumpare ni Papa na si Kuya Rey at si Tiyo Boyet. 17 kami na nagtadtad at nagluto (15 pala kung nde bibilangin sila Justine at Patrick).


Habang Naghahanda ng Pananghalian

Nde naman nakakapagod at nakakagutom pag nararamdaman mo yung kagalakan. Nakakangalay lang tumayo kapag nagluluto na. Masaya den silang magtulungan.. Sabi ko nga, tawa lang ako ng tawa habang nakikinig sa kanila. Puro biruan at tawanan habang kalaban yung matinding sikat ng araw at init ng apoy. Nataga pa nga ni Liza yung daliri nya sa paghihiwa ng sibuyas. Natatawa sa kapalpakan at naiiyak sa sakit. Hehehe.

Nde ko na masyadong nakakamusta ang babaeng ipinamamanhikan ko halos buong umaga. Busy den kasi sa loob ng bahay, sa paglilinis at pag-aasikaso ng mga bisita. Sobrang daming tao. Parang piyesta. Masaya na nakakakaba. Nuon lang ako nakaramdam ng kaba buong araw, kasi akala ko lahat sila makikipulong.

Pagsapit ng alas-dose, nakakaramdam na ko ng gutom. Pero sa sobrang daming tao at sa menudo at hamonado na nde pa naluluto sa mga oras na yun, hindi pa ko makakain. Nde na ko mapakali. Napalitan na yung excitement at pagiging relax..ng kaunting takot at kaba. Bumibilis yung tibok ng puso ko.

Mabuti na lang, madalas den napapasyal si Neriz malapit sa aming pinaggagawaan. Nakakalma ako kahit papaano. O nde na den kasi sya mapakali? Hehehe.

Karaming tao, dinuguan at buto-buto na may ubod ng niyog pa lang ang aming nailuluto. Nakasalang pa lamang ang menudo at hamonado sa dalawang malaking talyasi. Wala ng tatadtarin o gagayatin, inaantok na den sa pagod ang mga katulong namin na kanina pa nga nagsimulang manulungan alas-sais ng umaga.

Gusto ko na den magpalit ng damit. Nahihiya na ko sa hitsura ng sando kong puti na dumudumi na sa pinaghalong pawis at dumi sa pagluluto at pagbabalat ng mga ilalahok sa mga ulam. Napapagod na den ako sa paghahalo at pagtayo sa pagtingin kung maluluto na nga ba agad yung dalawa pang ulam na nakasalang sa malakas na apoy.

Madalas ko pa naman nakikitang itinuturo ako upang makita ng mga bisita. Malamang itinatanong nila kung sino ang lalaking pakakasalan ng kamag-anak nila. Pakiramdam ko sa suot at hitsura ko, mukha na kong pulubi.


Pagkaluto ng mga Ulam

Nang maluto yung menudo at malapit ng maluto ang hamonado bandang magaala-una ng hapon, ginusto ko ng mag-ayos ng sarili at kumain. [Isa sa mga pagkakamali namin dapat naunang iniluto ang menudo kesa sa dinuguan para naihain ito agad saktong alas-dose ng tanghali.] Nasaan na kaya sila lolo at lola. Halos wala pa yung mga kamag-anak namin na inimbita namin para sa pagbubulungan.

Niyaya ko ng kumain si Neriz pagkatapos kong makigamit ng banyo upang maglinis ng katawan at magpalit ng damit. Muli akong nagdasal na patnubayan kami ng Panginoon upang maging maayos at masaya ang pamamanhikan. Ang naunang pagkakataon na hiningi ko ang patnubay sa pamamagitan ng dasal ay pagkatapos ko ding magbihis bago mag alas-sais ng umaga sa aming bahay bago pa kami tumulak upang ihatid ang baboy.

Ngayong luto na ang dinala naming baboy at handa na sa pananghalian ng mga bisita.. Patuloy pa den ang aking pagdarasal. Paghingi ng tulong. Bagaman kinakabahan, mas tumatapang na ako. Anu pa bang aalalahanin namin? Nakaplano na naman ang lahat. Magkasundo naman ang aming mga pamilya. Bagaman wala pa nga ang karamihan sa mga representante ng aming pamilya.

Masaya na kong kumain ng pananghalian kasama si Neriz. Panatag na ang aking loob. Masayang kasama sya.  Nakakangiti na kahit papano.


Nasaan na ang mga Mamanhik?

Pagkatapos kumain.. Pabalik-balik na ko sa may kalsada, mga 50 metro mula sa bahay nila Neriz. Tinetext sila Tita Grace kung pupunta sila. May usapan kasi kaming susunduin nila sila lolo at lola sa Pulong Bunga. Kunwari'y nakikipaglaro ako kay Justine, saan ka'y paulit-ulit na umaasang sa bawat minutong lumilipas ay darating na nga sila lolo. Alam kong kanina pang tanghalian dumating ang mga matatanda sa pamilya ni Nerissa. Makatapos ng pananghalian den ang usapang oras ng opisyal na pamamanhikan.

Alas-dos na ng hapon. Sila Lola Choleng at Lola Oyeng pa lamang ang nakakarating. Nasaan na kaya sila lolo? Anung oras kaya sila makakapunta?


Ang Simula Nang Opisyal na Pamanhikan

Sa pagsisimula ng bulungan, nagharap-harap ang iginagalang na matatanda ng pamilya ni Nerissa at ng aking pamilya. Naroon ang aming mga magulang, at kaming dalawang magkasintahan na itatakdang ikasal na siyang pangunahing dahilan ng aming pagpupulong. Hanggang ngayon, hindi ko pa din maipalaiwanag kung bakit bulungan ang tawag sa ganitong pagtitipon. Ginagamit ko nga ang salitang "pulong" upang bigyang diin ang pagtitipon na may layuning itakda ang aming kasal. Ang salitang "bulong" marahil ang tunay na ugat ng bulungan, at kung bakit ay nde ko pa nga din lubos na nauunawaan.

Sapat na marahil ang "pamanhikan" upang mas madaling maunawaan ang naganap naming pag-uusap.

Nakabilog kaming lahat at magkakaharap na nakaupo. Magkatabi kami at magkahawak sa pabilog na ayos ng mga upuan. Katabi ko sa kaliwa ang aking papa at sa kanya namang kaliwa pabilog ay ang aking lolo Nick, pinsan nilang si Lola Oyeng, ang kapatid ni lolo na si Lola Choleng, ang panganay na kapatid ni mama na si Nanay Cita, at ang aking mama. Sa kaliwa ng aking mama ay ang matatanda naman sa pamilya nila Nerissa. Magkakatabi ang mga kababaihang matanda at sa kanilang kaliwa ay ang grupo naman ng matatandang kalalakihan na kinabibilangan ng panganay na kapatid ng nanay ni Nerissa, si Tatay Pepe. Mga pinsan naman ng nanay ni Nerissa at iba sa mga kalalakihang matanda (isa sa kanila ay magiging ninong namin sa kasal). Pagkatapos sa kanilang kaliwa ay ang tatay ni Nerissa. Ang nanay naman ni Nerissa ay nde na nagawang umupo, nakatayo sya at nakayakap sa kanyang asawa sa buong pulong. Si lola Entang naman ay nasa kaliwa ng tatay ni Nerissa. Pagkatapos ay si Nerissa at ako sa kaliwa ni lola.

Sa pwesto pa lamang ng mga tao sa nagaganap na pulong, may nakikita na akong ideya kung gaano kalagkit at ka-sweet ang magkabilang pamilya. Si papa at si mama ay magkalayo sa malaking bilog na ito. Ganundin sila lolo at lola. Sila tatay at nanay naman ay naroon sa isang upuan. Si nanay nga ay nakaakbay pa sa balikat ni tatay. Hindi lamang sila basta magkasama sa bilog, may pisikal na koneksyon pa silang ipinakikita sa pulong na ito.

Magkahawak kami ng kamay ni Nerissa, pero sa pagtanda namin bilang susunod na mag-asawa, mas gusto kong tularan ang koneksyon at samahan nila nanay at tatay kesa kela papa at mama o kela lolo at lola. Minsan, nde naman ibig sabihin na kung nde sila madalas magkatabi sa upuan o madalas na magkasama ay nde na sila madalas magkasundo. Pero mas madalas mas nararamdaman ko yung pagmamahal ng mag-asawa sa isa't-isa kapag nakikita ko silang magkatabi o magkahawak ng kamay. Ganito pa den ang nararamdaman kong inggit sa tuwing makakakita ng dalawang matanda, mga lolo at lola na, ngunit magkahawak pa den ng kamay sa pamamasyal o pagtawid ng kalsada.

Actions speaks louder than words ika nga. At pagsasama pa lamang nila nanay at tatay sa nagaganap na pulong, may mga payo na akong natututunan hindi pa man sila nagbibitiw ng anumang salita. (Muli, nde ko sinasabing hindi mahusay ang buhay mag-asawa nila papa at mama o nila lolo at lola, mas nararamdaman ko lamang ang pagmamahalan at pagdadamayan nila nanay at tatay sa mga sandaling ito na ipinamamanhik namin na makasal sa akin ang panganay nilang anak.)


Sabado Bago ang Pamanhikan

Sabado ng hapon, namitas na kami ng papaya at sayote sa bukid ni lolo. Nanghingi na din kami ng dalawang ubod ng niyog na ilalahok sa kakatayin naming baboy. Nagyakag na den kaming muli sa aming mga kamag-anak upang tulungan kami sa paghahanda sa pagsikat pa lamang ng araw kinabukasan.

Pagsapit ng hapon, namalengke na ang mama ko ng mga ilalahok sa mga lulutuin para sa pamanhikan sa araw ng bukas. Nagtungo naman ako sa bahay nila Nerissa upang dumalaw, mangumusta at muling pag-usapan ang mga detalye pa ng mga magaganap na pamanhikan. Anung oras kami darating upang dalhin at katayin ang baboy? Anung oras darating ang mga matatanda ng bawat pamilya? Anung oras pag-uusapan ang kasalan? Anung mga lulutuin? Kumpleto na ba ang kahoy na gagamitin? Ang kalan? Ang mga talyasi at mga kaldero? Ang katayang mesa? Ang mga kutsilyo, itak at sangkalan? At kung anu-ano pa.

Umuwi ako ng bahay pagdating ng 9pm. Nag-usap kami ng mama ko bago ako matulog. Kung anung oras kukunin yung baboy sa piggery, kung sinu-sino yung mga makakasama. Pinakwento ko rin sa kanya kung papano namanhikan si papa sa kanila.

Ang tradisyon daw talaga, kapag nagtapat na yung lalaki sa mga magulang ng babae, kasunod na nun ang pamanhikan. Nung nagtapat si papa kay lolo, hudyat na yun ng pagsisimula ng nais nilang makasal. Pero ayaw daw ni lolo kay papa nung simula. Nilayasan nga daw nya si papa pagkasabi ni papa ng pagnanais nyang mapakasalan ang mama.

Nagsumbong daw si lolo sa mga kapatid nito na ayaw nya kay papa at doon muna sa kanila magpapalipas ng araw (magtatago?). Nang malaman naman ni Nanang Teray (kapitbahay at kamag-anak nila lolo) ang nangyari, pinayuhan nito si papa na sunduin na ang kanyang mga magulang at saka magbalik para pag-usapan ang kasal sa isang pormal na pamanhikan. Si Lola Teray na daw ang bahalang makipag-usap kela lolo at sya na rin ang tatayong tagapamagitan sa dalawang pamilya.

Pagdating nila papa at nila Lolo Ising at Lola Loreto (mga magulang ni papa) sa bahay nila mama, nagsimula na nga ang pag-uusap sa mangyayaring kasalan. Ayaw pumayag nila lolo Nick at lola Entang sa buwang ng Nobyembre, buwan daw ito ng mga patay (Nov 1, Araw ng mga Patay). Nung minungkahi naman ang buwan ng Disyembre, nde naman pumayag ang kampo nila lola Loreto dahil magtatapos na daw ang taon sa buwang ito (pamahiin na nde magandang magpakasal kung kailan patapos na ang taon).

Sabi na lang ni Lola Teray, "Ay siya, kung nde kayo magkasundo sa Nobyembre at Disyembre, tingnan naten ang unang Linggo ng Enero, doon na lang kayo magpakasal."

Nakaupo daw sila mama at papa sa isang tabi at natatawa sa pagtatalo ng mga matatanda na tila nde magkasundo.

Madaling araw na kami natapos magkwentuhan ni mama. Late na den ako nakatulog kakaisip at sa sobrang pananabik sa susunod na mga oras ng panibagong araw.. ang aming sariling version ng pamamanhikan.


Balik sa Loob ng Bahay, sa Nagaganap na Pulong 
--- Mula sa Isang Liham ko kay Nerissa

Mula dun sa pwesto naten na magkakaharap. Nagsalita na yung mga matatandang kalalakihan sa partido mo. O! Anu bang meron? Anung pag-uusapan naten? Tapos katahimikan.. Tapos wala pa den nagsasalita.

Kaya naisipan kong magsimula sa pagpapakilanlan. Isang pagbati ng magandang hapon sa lahat pagkatapos isa-isang ipinakilala ko yung miyembro ng pamilya namin. Ang lola at ang lolo. Sila papa at mama at ang iba pa naming mga kasama. Ganun din ikaw. Ipinakilala mo si tatay at si nanay at silang lahat. Anu nga ulit mga  pangalan nila? Hehe. Tama nga si nanay, dapat ipinakilala den kita sa kanila, sa miyembro ng partido ng pamilya ko.

Sumunod na pinag-usapan kung saan at kailan tayo ikakasal. Ang bilis nu? Direct to the point. Wala ng liguy-ligoy pa.

Itinanong saten ni Tatay Pepe kung saan tayo papakasal. Sabi ko, meron tayong dalawang options.. Ang Unida Church sa Silang at ang main branch ng Church of God (CoG) sa Dasma. Itinanong nila yung religion ko, pero wala naman den tumutol sa lugar ng kasalan. Akala ko doon magtatagal at posibleng magkadebate ang dalawang partidos. Karamihan sa amin Born Again, sa inyo naman Catholic. Pero pareho naman kasi tayong Born Again kaya hinayaan na lang nila tayong magpakasal sa gusto nateng simbahan.

Aayusin at Iischedule pa naten yung simbahan, pero wala naman problema sa kanila. Sumunod, anung petsa? Sabi ni Tatay Pepe, Kelan ninyo balak magpakasal? Pagkasabi ko ng petsa, nagkahanapan na ng kalendaryo. Kalendaryong tagalog daw ni Honorio Lopez, pero Chinese Calendar yung meron. Year of the Rabbit. Hehehe. Pero meron naman den nakitang kalendaryo na nagpapakita ng hugis ng buwan sa bawat araw ng taon.

Pinapapili tayo ng matatanda sa October 15 at October 17. Mukhang nde kagandahan yung hugis ng buwan sa October 9. Meron daw buwang pabilog at palusaw.. Nde daw maganda magpakasal sa palusaw. Dapat palitaw. Hehehe. Meron pang ganun.

Buti nagmungkahi na den sila Lola Chileng at Nanay Cita na wala namang masamang araw na ginawa ang Diyos. Sa madaling sabi, tayo pa den ang pinagpasiya kung anung araw naten gusto. Maganda den na Linggo gaganapin para makarating yung mga bisita nateng nag-oopisina.

Dun lang nagtagal ang usapan. Sa paghahanap ng Kalendaryong Tagalog at sa paghahanap ng buwang palitaw. Tapos usapang ninong at ninang naman. Sabi nila ulit, tayo na daw ang bahala sa mga nagugustuhan naten. Pero sabi ni nanay, gusto nyang kunin yung isa sa mga matatandang lalaki na nanduon sa partido nyo sa pulong. Anu nga ang pangalan nun hon? Yung isa sa kanilang lahat? Hehe.

Si lola naman, ibinulong na gusto nyang kunin kong ninang yung kamag-anak namin na may-ari ng isang restaurant sa Tagaytay. Galante daw kasi at milyonarya. Si lola talaga!!! Payo naman ni Lola Choleng, tayo daw ang mamili ng mga ninong at ninang naten bukod sa mga napili ng bawat isa sa mga nakatatanda sa pamilya. Para daw nde naten sila sisihin pagdating ng panahon. Bakit sisihin? Nawawalang mga ninong sa araw ng kasal? Nde nagpapayo o tumutulong? Madamot? Hehehe.

Pero syempre, malaki den ang responsibilidad ng mga ninong at ninang sa kasal. Sakaling magkaroon ng gusto at problema, sila yung maari nateng takbuhan at hingan ng tulong.

Anu pa? Wala na. Tapos na ang usapan. Ganun lang kadali. Nde na nga nila tinanong kung ilang anak ang balak naten. Kung saan tayo titira. At iba pa.

Natira lamang yung karamihan sa partido ng aking pamilya upang mag-iwan ng ilang mga payo. Sabi ni lolo, malalaki na daw tayo at alam na naten ang magaling sa masama. Sabi ni lola Choleng, iho, iha.. Alamin ninyo yung ayaw ng kapartner ninyo. At iyung ayaw nilang ginagawa mo, wag mong gagawin para nde kayo nag-aaway. Tama ba?

Tapos isa-isa na silang nawala. Hawak ko pa din ang kamay mo. Masayang-masaya sa naitakdang kasalan. Pagdating ng hapon, yakap at ramdam na ramdam ko pa den ang kasiyahan ng buong araw. Oo, nakakapagod, nakakakaba at nakakagutom ang ganitong okasyon. Pero kapiling at kayakap ka, napakasaya. Wala lahat ng pagod. Punung-puno ng pag-asa sa mga susunod na masasayang araw na magkasama na tayong dalawa.

No comments:

Post a Comment